Saturday, May 29, 2010

Nagtatanong lang po

Nagtatanong lang po
APRIL 20, 2010
Ni Ofelia Empian
www.nordis.net

Iboto mo ako! Iboto n’yo ako!
Sigaw ng mama sa micropono
Habang ang mga alipores niya,
Namumudmud ng papel de propaganda

Iboto mo ako! Iboto n’yo ako!
Dahil sa akin,
Gaganda ang buhay n’yo
Ang inyong hinaharap,
‘Di na maliliko.

Iboto mo ako! Iboto n’yo ako!
Naghuhumiyaw na letra ng bandera nito.
Itong bulok na kalsadang ‘to?
Ipapaayos ko,
Ang inyong kumakalam na sikmura?
Sagot ko,
Basta akin ang inyong boto!

Ang ilang nakikinig, tatango-tango,
Habang ang ilan napapatungo,
Sa isip-isip nila’y ganito:
Ibinoto na kita! Ibinoto na namin kayo!
Ngunit ano ang nagawa ninyo?
Habang kayo’y nakaupo sa trono?
Noong kayo’y komportableng nakaupo,
Kami nama’y nagkakandahirap yumuko.

Ang taong baya’y nagtatanong,
Sino ba ang dapat?
Sino ba ang tama?
Na ihalal sa kanila?
Mamimili na lamang ba kami,
Kung sino sa kanila,
Ang may pinaka-konting…
Sala? # nordis.net

No comments:

Post a Comment